Gunitang 'manaw sa Kahapon!
John Paul M. Mayor
Bigyang katuparan hiling sa bituing maningning;
Pighati iwaksi't ibalik sa dati,
Pinagsamahang kay tamis katumbas walang kaparis,
Panahong pumanaw kanya lamang ginugol at pinagyaman.
Uhaw kapwa sa maalab na pagmamahalan,
Halikang simbolo ng aming pag-iibigan,
Maghapong habulan sa dalampasigan masid sa alon ng buhay;
Silay ng papalubog ng araw alintana sa papalapit na karimlan!
Sinusulit bawat sandaling nananatili,
Maningas ang kislap ng oras sa momentong nalalabi,
Ninanais ako'y lagi sa kanyang tabi;
Malingap ay mawala ng walang bakas man din!
Hinuhungkat alaalang unang nagkita't nagkatitigan,
Irapan at ilangan kailanma'y di maiiwasan,
Anung kiliti sumibol sa sarili nitong mga himlayan;
Bawat damdamin nag-alab nagising sa tawag ng mga pusong sabik sa kaligayahan.
Sinunod wika ng mga sariling kagustuhan,
Mga ibong nangagsiawit sa tamis ng pagsintahan,
Nagkatuluyan, nag-ibigan, nagbunga ng lahing pinag-isa;
Siyang mga prutas na maghihinog, itatanim, magbubunga sa makabagong puno'ng sagana!
Lungkot balot ng kasalukuyang hinagpis ng pag-iisa,
Pagtangis ng luhang bakas ng paghahanap ng kalinga,
Abang awa sa sarili, napabayaan ng sariling katandaan;
Ng pag-ibig na ngayo'y hukay ang pagitan!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento